RISEN CHRIST LENT/HOLY WEEK PLAYLIST

Wednesday, September 16, 2015

Sabi ni Father Melquiades Sepe

Sabi ni Father Melquiades Sepe, 
Kura Paroko ng Dambana ng Pagkabuhay, 
Barangay Sauyo, Quezon City, 
Sa Homiliya Ngayong Miyerkules, 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon, 
Perpetual Help Mass:


"Kung mahal mo ang Diyos,Iyong Sarili at Iyong Kapwa, Gawin Mo, Huwag mo lang itong Sabihin."

SKPK NOBENARIO NG SIETE DOLORES - ANG PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA

ANG UNANG HAPIS:  Ang Propesiya ni Simeon tungkol sa Sanggol na Hesus (Lucas 2:34-35) 

>Napakasakit para kay Maria ang mga sinabi ni Simeon tungkol kay Hesus. Noong sinabi ni Simeon ang mga salitang "Ang iyong puso ay para na ring tinarakan ng isang balaraw," ang ibig sabihin noon ang misyon ni Kristo dito sa lupa ay magdadala ng sakit sa puso ng Mahal na Ina. 

>Hindi lamang sakit sa puso ni Maria ang dulot ng mga salita ni Simeon. Nag-alala siya para sa Panginoon. Sino bang ina ang hindi mag-aalala para sa kanyang anak? Ganun din si Maria. Nag-aalala para sa kapakanan ng kanyang anak. Kahit ang kanyang anak ang Tagapagligtas ng sanlibutan, bilang ina, siya'y nag-aalala para sa kanya. 

ANG IKALAWANG HAPIS:  Ang Pagtakas patungo sa Ehipto  (Mateo 2:13)

 >Noong dumating ang Tatlong Pantas sa Betlehem, tinanong nila kay Herodes kung nasaan ang lugar ng kapanganakan ng Mesiyas. Si Herodes, natakot. Natatakot si Herodes na maagawan ng kapangyarihan mula sa bagong Haring ito. Gusto niyang manatili sa kanyang posisyon at ayaw niyang maagaw ito. Kaya, bago umalis ang Tatlong Haring Mago, inutusan sila ni Herodes na sabihin sa kanya kung saan ang lugar ng kapanganakan ng Mesiyas. 

>Pero, noong hindi bumalik ang Tatlong Pantas, nagalit si Herodes at pinag-utusan niyang patayin ang mga sanggol o batang lalaki na may gulang na dalawang taon o pabababa. Doon, makatitiyak siya na walang sanggol na lalaki ang aagaw sa kanyang pwesto bilang Hari. Pero, hindi niya pinatay ang Mesiyas, ang kanyang kinatatakutan. 

ANG IKA-3 HAPIS: Ang Paghahanap kay Hesus sa Templo sa Herusalem (Lucas 2:43-45)

 >Tatlong araw nawala si Hesus sa piling nina Maria at Jose. Nagpaiwan si Hesus sa Herusalem na hindi nalalaman nina Jose at Maria. Noong nalaman ng mag-asawang sina Maria at Jose na hindi kasama si Kristo sa kanilang mga kakilala, kamag-anak, o kaibigan,  Sila'y nag-aalala para sa kapakanan ni Hesus. Doon nila nalaman na ang Panginoon ay nagpaiwan sa Herusalem.

>Tatlong araw nag-alala si Maria. Natakot siya kasi baka may masamang mangyari sa anak niya. Tatlong araw silang naghahanap. Kahit matagal silang naghanap, hindi sumuko si Maria sa paghahanap kay Hesus, kahit ang ibig sabihin noon, tatlong araw nilang hahanapin si Hesus.

ANG IKA-4 NA HAPIS: Ang Pagkakita nina Hesus at Maria sa daang patungong Kalbaryo

>Hindi naging masaya ang pagkakita ng Panginoong Hesukristo sa Mahal na Birheng Maria. Nang magkita sina Hesus at Maria, si Hesus ay may pinapasang krus at nakasuot ng koronang tinik. Dugo'y dumadaloy mula sa mukha ng Panginoon. Napakalungkot ni Maria nang makita niya ang mukha ni Kristo na labis na nagdurugo dahil sa koronang tinik. 

>Sino bang ina ang hindi malulumbay kapag nagkita sila ng kanyang anak na sinasaktan at pinaparusahan, kahit wala naman siyang ginawang kasalanan? Walang ina ang nais makita ang kanyang anak na sinasaktan. Kapag sinasaktan ang kanyang anak, nasasaktan rin ang ina. 

 ANG IKA-5 HAPIS: Si Maria sa paanan ng krus ni Hesus  (Juan 19:25) 

 >Ito ang pinakamasakit na pangyayari para sa mga ina. Nakikita ang anak na unti-unting namamatay sa kanyang paningin. Lubos siyang malulumbay habang minamasdan niya ang kanyang anak na unti-unting namamatay. Napakasakit para sa mga ina na makita ang anak na namamatay sa tabi nila. 

>Naranasan po ito ni Maria noong si Hesus ay ipinako sa krus sa Kalbaryo. Napakasakit para sa kanya. Ang puso ni Maria'y nagdurugo dahil sa pamamagitan ng pagsaksi sa kamatayan ni Kristo, siya'y tinusok ng isang espada. 

ANG IKA-6 NA HAPIS: Si Hesus ay binaba mula sa krus.
  
 >Tapos na. Sa wakas, natapos na ang paghihirap ni Hesus. Ibinaba na ang Kanyang katawan mula sa krus. Ngayon, ibinigay na ang Kanyang bangkay kay Maria, ang Inang nagdadalamhati. 

>Nais iduyan ng Mahal na Ina ang Panginoon. Nais niyang awitan ang Panginoon. Pero, ang katawan ng Panginoon ay wala nang buhay. Wala nang hininga ang Mesiyas. Naganap na ang misyon ni Kristo. Namatay na ang Panginoon. 

ANG IKA-7 NA HAPIS:Ang Paglilibing kay Hesus

 >Ililibing na ang Panginoon. Natapos na ang paghihirap ng Panginoon. Mag-isa na ang Mahal na Ina. Si San Juan Apostol ang mag-aalaga sa kanya dahil inihablin siya ng Panginoong Hesus sa Mahal na Inang Maria. 

>Kahit namatay si Hesus sa krus, hindi nawalan ng pananalig si Maria. Kahit napakahirap ang pinagdadaanan niya, hindi siya nawalan ng pag-asa at pananalig sa Diyos. Nananalig siya na may bukas pa. May pag-asa pa. 

Tuwing Biyernes, Novena para sa Mahal na Birhen ng Hapis ng Simbahang Katolikong Pilipino Kristiyano



Sept. 15 - Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Hapis

Panalangin para sa Mahal naBirhen ng Hapis ni Brother  Michael Mazz Miranda
“Aba Ginoong Maria, Napupuno ka ng Hapis,ang Nagpakasakit na ipinako sa Krus ay Sumasaiyo,bukod Kang Namighati sa babaeng lahat at tanging kaisa ka naman sa Mahal na Pasion ng iyong anak na si Hesus .”
“Santa Maria Ina ng Manunubos, Bahagian mo kami ng iyong Pagpapakasakit.Ipanalangin kaming mga makasalanan na naging dahilan ng pagkapako Niya sa Krus ngayon at sa oras ng aming kamatayan. Amen.”

-Dasalin ang Tig-Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati.
Nuestra Senora De Los Dolores Esperanza De Sauyo, 
Ipanalangin mo kami...